
CAUAYAN CITY – Isang lalaki ang umakyat sa tower ng DITO Telecommunication sa Balintocatoc, Santiago City at nagtangkang magpakamatay dahil sa problema.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, itinago sa pangalang Jayson ang lalaki, 29-anyos, may asawa, magsasaka at residente ng nabanggit na barangay.
Batay sa Station 3 ng Santiago City Police Office (SCPO), agad silang nagtungo sa lugar nang makatanggap ng impormasyon kaugnay sa tangkang pagpapatiwakal ng lalaki na nasa taas ng nasabing tower.
Hindi umano inasahan ang pag-akyat ng lalaki sa tower pangunahin na sa pinakamataas na bahagi nito upang sana’y magpakamatay.
Nakumbinsi naman siyang bumaba ng kapulisan at mga kaanak nito para pag-usapan ang kanyang problema.
Nakakaranas umano ng matinding kalungkutan ang lalaki dahil sa pagkawala ng kanyang ama batay sa bayaw nitong kanyang nakainuman bago ang tangka nitong pagpapakamatay.
Batay sa naging pagsisiyasat ng SCPO Station 3, hinihilang lango sa alak ang naturang lalaki.










