--Ads--

Natagpuan kahapon, Oktubre 5, bandang alas dos ng hapon, ang palutang-lutang na bangkay ng isang lalaki sa bahagi ng Cagayan River sa Barangay Soyung, Echague, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Captain Abner Accad, Deputy Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi niyang nasa estado na ng dekomposisyon ang katawan ng biktima.

Kinilala ang nasawi na may Alyas n na “Jojo” Bartolome, 46 taong gulang, may asawa, isang magsasaka, at residente ng Barangay Villa Gracia, Maddela, Quirino.

Ayon sa ulat, si Bartolome ay naireport na nawawala at nalunod noong Oktubre 19, 2025, sa Maddela Police Station.

--Ads--

Batay sa salaysay ng kapatid ng biktima, nagtangka umano itong tumawid sa ilog sa kabila ng malakas na agos ng tubig. Dahil sa lakas ng agos, hindi na ito nakayanan ng biktima at tuluyan nang naanod.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, nahirapan ang mga awtoridad sa pag-retrieve ng bangkay dahil sa mataas na lebel ng tubig at sa lokasyon nitong nasa gitnang bahagi ng ilog.

Dakong alas-7 ng gabi kahapon ay nakuha na ng pamilya ang labi ng biktima. Nakilala ito sa pamamagitan ng dalawang bali sa mga ngipin sa harap. Sa kasalukuyan, nakaburol na si Bartolome sa kanilang tahanan sa Barangay Villa Gracia, Maddela, Quirino.

Nagpaalala naman si PCapt. Accad sa publiko na iwasan ang pagtawid o pagligo sa ilog kapag malakas ang agos ng tubig, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan, upang maiwasan ang mga ganitong insidente.