Arestado sa ikinasang buy-bust operation ang isang lalaki sa Lungsod ng Cauayan City.
Kinilala ang suspek sa alyas na Manny, 34-anyos, isang nagtitinda ng plastic at bote na residente ng Santiago City.
Ayon sa ulat ng Cauayan City Component Police Station, nakumpiska mula sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na isang libong piso.
Sa panayam, itinanggi ni alyas Manny na sa kanya ang nasabing ilegal na droga. Aminado siyang dati siyang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ngunit iginiit niyang matagal na umano niya itong itinigil.
Sinabi rin niya na nagtungo siya sa Cauayan City upang makipagkita sa isang babae. Subalit matapos niyang iparada ang kanyang motorsiklo, agad umano siyang nilapitan ng mga awtoridad na nagsagawa ng buy-bust operation.
Nagtataka umano siya kung paano nagkaroon ng ilegal na droga sa kanyang pag-iingat.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.











