--Ads--

CAUAYAN CITY – Kalansay na nang matagpuan ang lalaking matagal nang hinahanap ng pamilya nito sa bayan ng Dupax del Sur, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Ayungo, Chief of Police ng Dupax Del Sur Police Station sinabi niya na Agosto 27, 2024 nang maiulat sa kanilang himpilan ang pagkawala ng limamput limang taong gulang na lalaki.

Agad naman silang nagpalabas ng flash alarm at inabisuhan din ang karatig nilang himpilan ng pulisya para sa paghahanap sa lalaki.

Ayon sa pamilya nito, nagpaalam umano itong pupunta sa ilog para mangisda ngunit hindi na ito nakabalik sa kanilang bahay.

--Ads--

Matapos naman ang labing apat na araw na paghahanap sa biktima ay natagpuan na lamang itong kalansay na sa masukal na bahagi ng Brgy. Palabutan, Dupax del Sur nitong martes matapos na makita ng isang magsasaka na nagpastol ng kalabaw sa nasabing lugar.

Ayon kay PMaj. Ayungo masukal ang nasabing lugar kaya mahirap makita ang katawan ng lalaki lalo na at nakahiga rin ang posisyon nito nang matagpuan.

Naniniwala naman ang pamilya na posibleng inatake ng hypertension ang kanilang kapamilya kaya hindi na ito ipinasailalim sa imbestigasyon.

Una nang sinabi ng mga ito nang magreport sa pulisya na maaring inatake ng hypertension ang kanilang kamag-anak kaya hindi nakauwi.

Pinaalalahanan naman ni PMaj. Ayungo ang publiko na maging specific sa pagpapaalam tuwing may pupuntahan upang alam ng mga kapamilya kung saan sila hahanapin.

Kung may sakit man at nag-aalangan sa sitwasyon ay kailangan ng kasama tuwing aalis ng bahay.