--Ads--

Isang kakaibang libangan ang nagdala kay David Morgan sa Guinness World Records matapos niyang maipon ang pinakamalaking koleksiyon ng traffic cones sa buong mundo.

Nagsimula ang lahat noong 1986 dahil sa isang kasong legal. Bilang empleyado ng isang plastics company, kinasuhan sila ng isang karibal na manufacturer dahil sa isyu ng design copyright. Upang ­ipa­nalo ang kaso, ginalugad ni Morgan ang buong United Kingdom para maghanap ng iba’t ibang klase ng traffic cones bilang ebidensiya at paghahambing, isang taktika na naging matagumpay.

Matapos manalo sa korte, hindi na naawat si Morgan sa kanyang pangungulekta dahil namangha siya sa dami ng hugis at kulay nito. Mula sa 137 piraso noong 2000, lumobo ito sa mahigit 500 na iba’t ibang modelo mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang na ang nakuha niya noong kanyang honeymoon at mga bihirang piraso mula sa mga punerarya. Nilinaw naman niya na hindi siya nagnanakaw ng cones sa kalsada dahil delikado ito sa mga motorista; sa halip, nakikiusap siya sa mga foreman o kaya ay nakikipagpalitan ng dala niyang spare upang idagdag sa kanyang koleksiyon na madalas niyang i-display sa kanyang bakuran.