--Ads--

Pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang isang lalaking may mental disability sa Brgy. Sotero Nuesa, Roxas, Isabela kagabi, Pebrero 11, 2026.

Kinilala ang biktima bilang si Joven Arreola, 40-anyos, may asawa, dating mekaniko, at residente ng nasabing barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Leonard Mamerga, Deputy Chief of Police ng Roxas Police Station, sinabi niya na may mental disability ang biktima.

Nangyari ang pamamaril alas-10:50 ng gabi sa gilid ng national highway habang nagpapahinga at nakaupo si Arreola sa tabi ng kalsada.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon ng PNP, nakarekober sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng bala at dalawang hindi pa naunang gamit na bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Ayon kay Mamerga, hindi pa natatanggap ng pulisya ang medical report mula sa doktor na sumuri sa katawan ng biktima, kaya hindi pa tiyak kung ilan ang tama ng bala at gaano kalala ang sugat.

Sa ngayon, hindi pa matukoy ang motibo sa pamamaril, at isinasagawa pa ng pulisya ang backtracking sa mga CCTV cameras na posibleng nakakuha ng larawan o video ng mga suspek.

Patuloy ang Roxas Police Station sa pagsisiyasat at paghahanap sa mga suspek, kabilang ang pag-interview sa mga saksi sa lugar ng insidente.