--Ads--

Isang lalaki mula sa Australia ang may hawak ng Guinness World Record para sa pinakamahabang personal na pangalan sa mundo, na binubuo ng mahigit 2,000 middle names.

Kinilala ang lalaki bilang Laurence Watkins, na legal na ipinabago ang kanyang pangalan noong Marso 1990. Sa naturang pagbabago, idinagdag niya ang 2,251 middle names, kaya umabot sa kabuuang 2,253 salita ang bumubuo sa kanyang buong pangalan.

Sa ginawang dokumentadong hamon, inabot ng mahigit isang oras si Watkins sa pagbabasa ng kanyang buong pangalan para sa Guinness World Records video. Noong una pa umano siyang ikinasal, tumagal ng halos 20 minuto ang pagbasa ng officiant sa kanyang pangalan sa seremonya.

Ang simula pa lamang ng kanyang pangalan ay binubuo ng mga salitang Laurence Alon Aloys Aloysius Alphege Alun Alured Alwyn Alysander Ambie Ambrose Ambrosius Amias Amiot Amyas Anders Andre Andrea Andreas Andrew Andy Aneirin Anguish Anleifr, at hindi pa kasama rito ang lahat ng pangalan na nagsisimula sa letrang “A.”

--Ads--

Ayon sa Guinness World Records, nananatiling si Watkins ang taong may pinakamahabang personal na pangalan sa buong mundo, na hanggang ngayon ay wala pang nakapagtatangkang sumubok na higitan ang naturang record.