CAUAYAN CITY – Personal na nagtungo sa Barangay Hall ng Minante 2 Cauayan City si POSD Chief Pilarito Mallillin matapos na mahanap na kung saan nakatira ang inirereklamong mentally challenge Individual na pagala-gala dito sa Lunsod at nakaperwisyo na rin ng ilang mga negosyante, mga motorista at pedestrians.
Ang naturang hakbang ng POSD ay bunga ng idinulog na reklamo sa Bombo Radyo Cauayan ng isang may-ari ng bahay kainan sa Poblacion area na naging biktima rin ng panggugulo at pananakit ng naturang lalake.
Matatandaan na iniireklamo ni Ginoong Dennis San Mateo may-ari ng isang bahay kainan ang ginagawang pang-aagaw ng pagkain, panggugulo at pananakit ng naturang lalake.
Dahil dito agad na nagkasa ng operasyon ang POSD at kasama ang Bombo Radyo Cauayan ay nagtungo si POSD Chief Mallillin sa Barangay Hall ng Minante Dos para ihatid ang inirereklamong lalaki.
Dito ay nagkaroon nang pag-uusap ang barangay, pamilya ng lalaki at DSWD para madala siya sa Mental Hospital sa Lunsod ng Tuguegarao.
Inihayag ni POSD Chief Mallillin na pang apat na ang inirereklamong lalake sa mga nahuli nilang mentally challenge individual na gumagala sa Lunsod na nakatakdang ihatid sa Mental Hospital sa Tuguegarao.
Iginiit niya na ang naturang hakbang ng POSD ay para na rin sa kaligtasan ng publiko maging ng naturang mga indibiduwal na nakakaranas ng ganitong karamdaman.