CAUAYAN CITY – Inirereklamo ngayon ng mga residente ang isang lalake na may problema sa pag-iisip dahil sa panggugulo at pananakit nito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dennis San mateo may-ari ng isang restaurant sinabi niya na marami na silang naapektuhan ng naturang lalake na pagala-gala na may problema sa pagiisip.
Madalas aniya na napapadaan ang naturang lalake sa kanilang pwesto at bigla na lamang nagbubukas ng kanilang mga gamit at panindang ulam.
Aniya para maiwasan na manggulo ay binibigyan nila ito ng pagkain subalit sa halip na magpasalamat ay itinatapon lamang nito ang ibinibigay nilang pagkain.
Dagdag pa niya na naapektuhan na rin ang kanilang negosyo dahil maging ang kanilang mga customer ay ginugulo na rin ng naturang lalake na bigla na lamang nang aagaw ng pagkain.
Maliban dito ay madalas din nilang nakikita ang lalake na nanakit din ng iba pa niyang nakakasalubong sa kalsada.











