CAUAYAN CITY – Pinaniniwalaang kasapi ng isang organized crime group ang nagnanakaw ng mga panabong na manok ang lalaking nabaril at napatay sa naganap na habulan sa Minanga Norte, San Pablo, Isabela.
Nakilala ang napatay sa alyas na Nardo, nasa tamang edad, walang trabaho at residente ng barangay Dos, Enrile, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Senior Inspector Jojo Turingan, hepe ng San Pablo Police Station na nagpapatrulya sa Minanga Norte ang ilang tauhan nang nakatanggap sila ng tawag hinggil sa pamamaril ng ilang kalalakihan kaya agad silang nakatugon.
Nakita nila ang dalawa na nakatambay sa madilim na bahagi at nang tawagin ang kanilang pansin ay tumakas sila patungo sa Camalagui, umikot sila pakaliwa patungong Tuguegarao City.
Naabutan sila ng mga humabol na pulis na sakay din ng motorsiklo sa tapat ng sementeryo.
Nagkaroon ng palitan ng putok at natamaan ang angkas ng motorsiklo na si alyas Nardo na sinasabing kasama sa grupo na nagnanakaw ng mga panabong na manok.
Mayroon na rin silang naunang natanggap na impormasyon na sa barangay Ballacayu, San Pablo ay may tatlong naka-motorsiklo na may mga angkas at may mga hawak na armas.
Hinihinalang kumikilos ang grupo sa mga bayan ng Sta. Maria, San Pablo, Cabagan at Tugugegarao City.