CAUAYAN CITY- Arestado ang isang lalaki matapos na maaktuhang nagbebenta ng hindi lisensyadong baril sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Ayon sa ulat, isang informant ang nagbigay ng impormasyon sa kapulisan tungkol sa isang lalaki na kinilalang si alyas “Jopet” na nagbebenta ng isang hindi lisensyadong baril.
Dahil dito, nagsagawa kaagad ng operasyon ang Cauayan City Police Station at nagtungo sa lugar kung saan isinagawa ang transaksyon, subalit nakatunog ang suspek sa operasyon at tinangkang tumakas sa pamamagitan ng pagbangga sa katransaksyon na informant at kasama nito.
Nagpaputok pa ng baril ang suspek at tumakas subalit agad ding nahuli matapos ang isinagawang hot-pursuit operation.
Nasamsam sa kanyang pag-iingat ang isang (1) unit ng Smith & Wesson Spring field mass Cal. 38 revolver na walang serial number; dalawang (2) piraso ng live ammunition; isang (1) fired cartridge case ng kaparehong calibre; isang (1) cellphone, at isang (1) motorsiklo na walang plaka.
Matapos maaresto ay dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, BP 881 Omnibus Election Code, at Direct Assault upon an agent of person in authority.