CAUAYAN CITY – Arestado ang isang lalaki na kabilang sa Street Level Individual (SLI) list ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 2 matapos itong magbenta ng iligal na droga sa bayan ng Cabagan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Merwin Villanueva, Chief of Police ng Cabagan Police Station, sinabi niya na ang suspek na si alyas “Bombay” na residente ng Sto. Tomas Isabela ay nadakip ng mga kasapi ng Cabagan Police Station katuwang ang Provincial Intelligence Unit-Provincial Drug Enforcement Unit, RIU 2 PIT Isabela at PDEA Region 2 sa isinagawang drug buy-bust operation sa Purok 7, Brgy. Ugad sa Cabagan Isabela.
Nabili mula sa suspek ang isang piraso ng maliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu habang nakuha naman sa direktang pag-iingat nito ang dalawang piraso ng maliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na kabuuang walong gramo.
Agad namang dinala sa Cabagan Police Station ang suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek.
Ayon kay PMaj. Villanueva, dalawang buwan na minanmanan ang nasabing suspek at pasulput-sulpot lamang sa kanilang bayan kaya nang ito ay mamonitor na magbebenta ng iligal na droga ay kanilang nahuli sa buybust operation.
Muli naman siyang nagbabala sa mga patuloy na gumagamit ng iligal na droga sa kanilang bayan na itigil na ang nasabing gawain dahil hindi titigil ang pulisya hanggang sila ay madakip at maipakulong.