CAUAYAN CITY- Dinakip ang isang lalaking nagmamaneho ng sasakyang na pinaniniwalaang carnap matapos makipaghabulan sa mga kasapi ng Highway Patrol Group sa San Isidro, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SPO3 Jerry Palaming, Chief Investigator ng San Isidro Police Station, kinilala niya ang suspek na si Noel Martin, 28 anyos na residente ng barangay Gud, San Isdiro, Isabela.
Nauna rito ay itinimbre ng Highway Patrol Group sa PNP San Isidro na ang sasakyan ng pinaghihinalaan na isang Chevrolet Trail Blazer na walang plaka ay umanoy carnap .
Nang pigilin ang nasabing sasakyan ay hindi tumigil kayat hinabol ng mga otoridad hanggang makorner sa Gomez, San Isidro.
Dito natuklasan din ng mga otoridad na mayroong kasong estafa sa lalawigan ng Quirino ang suspek at walang piyansang inilaan para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Nasa kamay na ng mga otoridad ang suspek at nagsasagawa na ng pagsisiyasat kung tutoong carnap ang ginagamit na sasakyan.




