CAUAYAN CITY- Naaresto ang isang lalaki matapos nitong magpanggap na pulis sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ang naarestong pinaghihinalaan ay si Rcee, nasa wastong gulang, tubong Macabebe, Pampanga at dalawang linggo pa lamang naninirahan sa Barangay Tuao, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Novalyn Aggasid, ang tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na una umanong nangutang ng anim na libong piso ang nasabing pinaghihinalaan sa kanyang kapit bahay.
Hindi pa man anya nasisingil ang nasabing halaga ay umutang muli ang nasabing pinaghihinalaan ng apat na libong piso.
Nang sisingilin na ang nasabing pinaghihinalaan ay dito na umano siya nagpakilalang miyembro ng PNP Special Action Force o SAF at nagpakita pa ito ng ID.
Dahil dito ay agad na dumulog ang nautangang kapit bahay sa Bagabag Police Station kung saan nang magsagawa sila ng pagsisiyasat ay umanin din ang pinaghihinalaan na hindi siya tunay na pulis.
Dahil dito ay inaresto ang pinaghihinalaan na mahaharap sa reklamong paglabag sa Usurpation of authority at tinitignan na rin ang mga posibleng reklamo kaugnay naman sa kanyang inutang.
Kaugnay nito, nagpaalala naman ang PNP sa publiko na huwag basta-basta magtitiwala sa pagpapautang.