CAUAYAN CITY– Nagtamo ng mahigit 40 saksak sa katawan at ginilitan pa sa leeg ang lalaking nauna nang nawawala matapos dukutin ng armadong kalalakihan noong araw ng Sabado.
Sa eksklusibong Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Leonida Salgado, ina ng biktimang si Marco Salgado, kinumpirma niya na matapos dukutin ang kanyang anak noong Sabado ay nakita ang bangkay ng anak kaninang umaga sa barangay Cabaruan na nagtamo ng 48 saksak sa katawan at laslas sa leeg.
Ayon kay Ginang Salgado hindi katanggap tanggap ang ginawa ng mga salarin sa kaniyang anak ngunit sa kabila ng trahedya ay nagpapasalamat pa rin siya sa mga dumukot sa anak dahil pinakinggan nila ang kaniyang panawagan na maipakita sa kanya ang bangkay nito.
Samantala, nanawagan naman si Mark Salgado kay Punong Lunsod Jaycee Dy at PNP Cauayan City na matulungan silang mabigyan ng katarungan ang sinapit ng kanyang kapatid sa kamay ng mga dumukot sa kanya.
Hindi anya makatao ang ginawang pagpatay sa kanyang kapatid dahil sa tinamong maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at ginilitan din sa leeg habang mayroong palatandaan na binugbog at pinukpok sa mata.
Labis naman ang kalungkutan ni Ana May Valdez , kinakasama ng biktima sa sinapit ng ama ng kanyang tatlong anak .
Hindi anya niya alam kung papaano niya buhayin ang maliliit pa nilang mga anak lalo na ang pinakabata na sampong buwang gulang pa lamang na sanggol matapos na paslangin ang kanilang ama.
Mabait anya ang kanyang kinakasama at wala siyang alam na nakaaway kayat nanatiling blanko ang kanilang pamilya sa posibleng motibo sa karumaldumal na pagpaslang.
Naulila ni Marco Salgado ang tatlong anak na pawang mga menor de edad pa lamang.










