CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga awtoridad ang isang no. 5 most wanted person provincial level na nahaharap sa patung-patong na kaso Purok Ragsak Brgy. Dipintin, Maddela, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Gladys Dupitas, Deputy Chief of Police ng Saguday Municipal Police Station sinabi niya na ang akusado ay kinilalang si Virgilio Valdez alyas “Buyong”, apatnaput pitong taong gulang, may asawa, kapintero at nahaharap sa kasong Qualified Rape of a minor, Sexual Assault and 5 counts of Acts of Lasciviousness.
Dinakip ng pulisya ang akusado sa pangunguna ng Saguday PNP katuwang ang Maddela PNP at iba pang kasapi ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni hukom Winston Aris Mendoza, Executive Judge ng RTC, Br. 38, Maddela, Quirino sa kasong Qualified Rape of a minor na walang piyansa, Sexual Assault na may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng P180,000, 5 counts ng Acts of Lasciviousness na may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng P180,000 bawat kaso.
Noong nakaraang taon pa nagawa ng akusado ang panggagahasa sa pamangkin ng kanyang asawa ngunit ngayong taon lamang naisampa ang kaso laban sa kanya.
Aniya marahil ay pinag-isipan muna ng mabuti ng pamilya ng biktima bago sila nagsampa ng kaso sa kanilang mismong kapamilya kaya natagalan.
Sa kasalukuyan, nakapiit na ang akusado sa lock up cell ng Saguday Police Station habang inihahanda ang mga dokumento para sa karampatang disposisyon.