CAUAYAN CITY- Sinampahan na ng kasong acts of lasciviousness in relation to child abuse o Republic Act 7610 ang isang 55 anyos na lalaki na tubong Dagupan City, Pangasinan.
Ito ay matapos umano niyang halikan at hawakan sa maseselang bahagi sa katawan ang isang 9 anyos na babae Cauayan City.
Ang suspek ay si Roberto Abellera, may asawa, walang trabaho at residente ng barangay Bonuan Binloc, Dagupan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Essem Galiza, pinuno ng Women and Children’s Protection Desk ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na unang tinawag ang biktima at inutusan na bumili ng sigarilyo.
Lumapit sa suspek ang bata ngunit bigla umano niyang hinila at pinaupo sa kanyang hita hanggang sa hinawakan na niya ang maseselang bahagi ng katawan ng bata.
Sinabi pa ni Sr. Insp. Galiza na nagpumiglas ang biktima at nagsumbong sa kamag-anak na nagsumbong sa mga pulis.
Ang suspek ang nagtungo rito sa Cauayan City para imaneho ang kanyang kaibigan na galing sa Metro Manila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek ay mariin niyang itinanggi ang paratang sa laban sa kanya.
Iginiit niya na aksidente lang umano niyang nasagi ang maselang bahagi ng katawan ng bata.




