CAUAYAN CITY- Hanggang ngayon ay wala pa ring kumukuha at hindi pa nakikilala ang bangkay ng isang lalaki na nanlaban sa isinagawang drug buy bust operation ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station sa barangay San Fermin.
Bagamat mayroong dalawang pamilya ang nagtungo sa isang punerarya kung saan nakalagak ang nasabing lalaki ay bigo pa ring makilala dahil hindi ito ang kanilang nawawalang kamag-anak.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station sa mga opisyal ng barangay maging sa mga kalapit na himpilan na pulisya upang malaman kung may Alyas Bernard ang naninirahan sa kanilang nasasakupan.
Batay sa datos ng Operations Section ng PNP-Cauayan City, wala sa kanilang drug watchlist ang napatay na si alyas Bernard.
Magugunitang unang nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na nakatakdang magbenta ng ipinagbabawal na gamot ang suspek.
Habang isinasagawa ang transaksyon ay nakatunog umano ang biktima na pulis ang kausap nito dahilan upang agad siyang bumunot ng baril at nakipagpalitan ng putok sa mga otoridad.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril si alyas bernard sa kanyang ulo at dibdib na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.
Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang isang pang kasama nito na agad nakatakas.
Si Alyas Bernard ay tinatayang 35 anyos hanggang 40 anyos, may taas na 5’2” hanggang 5’4”, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi ang kulay, may tatoo sa kaliwang braso na mistulang bandila ng Saudi Arabia, sa kaliwang balikat ay may tattoo na letrang D.E. habang sa kanyang kanang balikat ay may tattoo na ahas at may nakasulat na COBRA.




