--Ads--

CAUAYAN CITY-Matapos ang walong taon ng pagtatago, naaresto na ng mga awtoridad nitong Hunyo 2025 ang isa sa mga pangunahing suspek sa malagim na pamamaril na ikinasawi ng tatlong katao sa Isabela noong 2016.

Ayon sa Ilagan City Police Station, ang suspek na hindi muna pinangalanan ay inaresto sa Barangay Ignacio sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Enero 23, 2017. Kasama sa operasyon ang 1st Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC) at Regional Intelligence Unit 2 (RIU2).

Batay sa ulat ng pulisya , isa ang suspek sa tatlong lalaking namaril sa tatlong biktima sakay ng motorsiklo habang tumatawid sa Culalabo Bridge sa Barangay Balelleng, Santo Tomas noong Hunyo 15, 2016.

Ayon sa mga saksi, mahahabang armas ang ginamit ng mga salarin at tinadtad ng bala ang mga biktima na agad nasawi sa pinangyarihan ng krimen.

--Ads--

Sa tulong ng testimonya ng mga saksi at masusing imbestigasyon, nakilala ang mga suspek kabilang ang 66-anyos na lalaking naaresto. Siya ngayon ay nasa kustodiya ng PNP Ilagan at inaasahang ililipat sa korte sa mga susunod na araw.

Napag-alamang sangkot umano sa krimen ang isang dating barangay captain. Ayon sa mga imbestigador, nakita umano ang opisyal na nagbababa ng isang sako sa damuhang bahagi ng lansangan, na kalauna’y natuklasang pinagtaguan ng mga suspek bago isinagawa ang pamamaril.

Nauna nang inaresto at sinampahan ng kaso ang naturang dating opisyal.