--Ads--

Patuloy na pinaghahanap ang isang lalaki na hinihinalang nalunod sa bahagi ng Ibujan, San Mariano, Isabela.

Kinilala ang lalaki na si Eliseo Linagga, residente ng Libertad San Mariano Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Rosita Bayaona ng Libertad San Mariano Isabela sinabi niya na nawala si Ginoong Linagga noong araw ng Lunes.

Hapon aniya ng Linggo nang magtungo ito sa Brgy. Ibujan para ihatid ang minamaneho nitong sasakyan kung saan ay nagkaroon ng inuman.

--Ads--

Nakauwi naman ito sa kanyang anak na residente ng nasabing barangay at  kinaumagahan ay nagdesisyon nang umuwi sa Libertad dahil nakatakda umano itong magtungo sa Aritao Nueva Vizcaya noong Martes.

Huling nakita si Ginoong Linagga sa ilog na bahagi ng Ibujan at naghahanda nang tumawid sa ilog pauwi sa kanilang barangay.

Nakasuot ito ng kulay blue na damit, nakamaong na pantalon at sling bag.

Ayon kay Punong Barangay Bayaona may kalaliman at malakas ang agos ng ilog kaya maaring hindi nito nakayanan sa pagtawid.

Matapos na ipaalam sa barangay ang pagkawala nito ay agad silang nagsagawa ng search operation sa ilog pababa hanggang sa Benito Soliven Isabela ngunit hindi pa rin nila ito natagpuan.

Aniya walang tigil ang paghahanap nila ngunit kulang ang gamit na bangka dahil iisa lamang ang kanilang gamit na nasa tatlo hanggang apat na katao lamang ang kayang isakay.

Nakipag-ugnayan naman na aniya sila sa pamunuan ng Brgy. Ibujan para sa karagdagang bangka na gagamitin sa paghahanap.

Nanawagan ang punong barangay sa sino mang makakita kay Ginoong Eliseo Linagga na ipabatid sa mga otoridad maging dito sa Bombo Radyo Cauayan dahil labis na ang pag-aalala ng kanyang mga kapamilya.