Bangkay na nang matagpuan ang isang lalaki na unang napaulat na nawawala matapos na matagpuan ang abandonado nitong motorsiklo sa Palattao Bridge, sa Naguilian, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Marisol Pelagio ang Administrative Officer ng Naguilian Police Station sinabi niya na una silang nakatanggap ng ulat mula sa dalawang saksi na umanoy nakakita sa naiwang motorsiklo na nakaandar sa Palattao Bridge.
Ayon sa dalawang saksi na dahil sa pagtataka ay binuksan nila ang utility box at doon ay nakita nila ang pagkakakilanlan ng may-ari.
Makalipas ang isang araw ay nakatanggap sila ng tawag mula sa Ilagan City Police Station kaugnay sa isang lalake na palutang-lutang sa Ilog sa Barangay Pilar, City of Ilagan.
Ang bangkay ay nakasuot ng blue violet raincoat, t-shirt at pantalon.
Batay sa ginawang beripikasyon sa Pamilya kalaunan ay nakilala ang biktima na si John Mark Baquiran Soriano, 26-anyos na residente ng Barangay Bangang Lunsod ng Ilagan.
December 15 ng mapaulat na nawawala si Soriano matapos niyang iwanang abandonado ang kaniyang motorsiklo, at ilang personal na gamit sa Palattao Bridge.
Unang nag post ng panawagan sa social media ang asawa ng biktima na si Joy Mariano Adolfo kaugnay sa insidente.
Ayon sa post pumasok sa trabaho ang mister at umalis sa Ilagan City dakong alas-4 ng umaga subalit 5 pasado ng makita ang motorsiklo niya sa tulay naiwan doon ang susi, cellphones at wallet ni Soriano subalit hindi mahagilap sa lugar ang biktima, huli na ng matanggap nila ang masamang balita na binawian na ito ng buhay.
Sa ngayon gumugulong ang imbestigasyon sa mga maaaring naganap bago matagpuan sa ilog ang biktima.