CAUAYAN CITY- Naglabas ng pahayag ang commission on Election o Comelec Cabatuan sa umano’y lantaran na pamumudmud ng bigas at pera sa isang resort sa Barangay Del Pillar Cabatuan, Isabela kung saan ang sangkot ay isang kandidato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Election Officer Atty. Ruth Barangan ng Comelec Cabatuan, sinabi niya nanag-dedeploy na sila ng mga ACM’s para sa gagawing Final Testing and Sealing ngayong araw.
Sa katunayan aniya wala silang natanggap na reklamo kaugnay sa ginawang pamamahagi ng bigas at pera sa naturang resort sa Barangay Del Pillar, Cabatuan, Isabela.
Giit niya kung ayuda ito ay dapat DSWD ang nanguna sa pamamahagi at dapat walang sinomang politiko ang maaaring sumali dito subalit ang naturang aktibidad ay wala aniyang koordinasyon.
Nakatakda niya ngayon kausapin ang hepe ng Cabatuan Police Station kaugnay sa naturang aktibidad.
Matatandaan na nagtungo ang Bombo News Team sa nasabing resort para sana makapanayam ang management nito na tumatakbong kandidato sa isang partido subalit ipinagbawal ang pagpasok ng media at isinara pa ang gate ng resort.
Maging ang PNP Cabataun ay hindi na rin nagbigay pa ng pahayag sa naturang usapin subalit aminado na iba ang takbo ngayon ng halalan sa naturang Bayan.
Nanatili namang bukas ang Bombo Radyo Cauayan para sa paliwanag ng nabanggit na personalidad kaugnay sa naturang usapin.










