Opisyal nang kinilala ng Guinness World Records ang 19-anyos na si Hope Roberts mula Bedford, England bilang may-ari ng largest collection of Jellycat toys sa buong mundo.
Sa masusing verification noong nakaraang December 2025 na tumagal ng apat na oras, nakapagtala siya ng 877 items na kinabibilangan ng stuffed toys, stickers, bags, at keyrings.
Para sa mga hindi pamilyar, ang Jellycat ay isang sikat na British brand na itinatag noong 1999 na kilala sa kanilang high-quality at malalambot na stuffed toys.
Bukod sa mga hayop, tanyag sila sa mga kakaibang designs ng mga stuffed toys na hugis prutas, kape, sandwich at mga halaman na nilagyan ng mukha, na naging viral sensation lalo na noong pandemya.
Ayon kay Hope, nagsimula lamang ang kanyang obsession dalawang taon na ang nakararaan nang makabili siya ng isang Jellycat bunny sa charity shop.
Mula noon, lumobo na ang kanyang koleksiyon na ngayo’y tinatayang nasa 1,000 piraso na, kung saan ang ilan sa mga rare items ay nagkakahalaga ng mahigit £1,000 (nasa P70,000+).
Ang kanyang hobby ay hindi lang nagbigay sa kanya ng world record kundi pati na rin ng atensiyon sa social media, kung saan napansin pa siya ng sikat na socialite na si Nicky Hilton.











