Lasing na magsasaka, aksidenteng nabaril ang sarili makaraang paglaruan ang baril
CAUAYAN CITY- Nasugatan ang isang magsasaka makaraang aksidenteng mabaril ang kanyang sarili sa Gamu, Isabela.
Ang nasugatan ay si David Acosta, 38 anyos, magsasaka at residente ng Mabini, Gamu, Isabela
Una rito ay ipinabatid ni Punong Barangay Nomerson Lavarinto sa himpilan ng pulisya sa aksidenteng pagkakabril ng isang magsasaka sa kanyang sarili sa kanilang barangay.
Sa pagtugon ng mga kasapi ng Gamu Police Station ay hindi na nila naabutan pa si Acosta makaraan siyang isugod sa pagamutan ng tumugong kasapi ng Dart Rescue 831 patungo sa Gov. Faustino Memorial Hospital sa Lunsod ng Ilagan.
Sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, pinaglalaruan ni Acosta habang nasa impluwensya ng nakakalasing na inumin ang kanyang baril at nang kanyang nabitawan ay pumutok na nagresulta ng pagtama ng bala ng kanyang kanang tuhod.
Hindi pa narekober ng mga otoridad ang di pa matukoy na uri ng baril ni Acosta.




