Patuloy ang pagdaloy ng lava sa Bulkang Mayon sa Albay habang nananatili ito sa ilalim ng Alert Level 3, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Sabado, Abril 4.
Sa huling bulletin ng PHIVOLCS, naitala ang pag-agos ng lava sa mga daluyan ng Basud (3.8 km), Bonga (3.2 km), at Mi-isi (1.3 km) nitong Biyernes.
Naobserbahan din ang mga episodic minor strombolian activity at panandaliang lava fountaining mula madaling araw ng Biyernes hanggang nitong Sabado.
Nakapagtala ang mga sensor ng 52 volcanic earthquakes, kabilang ang isang volcanic tremor na tumagal ng limang minuto. Bukod dito, namataan ang 356 rockfall events at isang pyroclastic density current (PDC) signal, habang nananatiling kita ang banaag o crater glow sa tuktok ng bulkan.
Ayon pa sa PHIVOLCS, nagbuga ang bulkan ng 1,662 tonelada ng sulfur dioxide. Ang mga katamtamang plume na umabot sa 400 metro ang taas ay napadpad patungo sa silangan at silangan-timog-silangan.
Sa ilalim ng Alert Level 3, binalaan ng mga eksperto ang publiko laban sa mga sumusunod na panganib:
– Rockfalls, landslides, o avalanches
– Ballistic fragments at lava flows
– Pyroclastic density currents (PDC)
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa six-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.
Iniulat din ng ahensya na isang bushfire ang naganap sa timog na bahagi ng Mayon noong Huwebes ng gabi dulot ng rockfall, ngunit ito ay tuluyan ding naapula nitong Biyernes ng umaga.











