--Ads--

Binigyang-linaw ng isang law professor ang desisyon ng Korte Suprema (SC) na nagdedeklara sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte bilang unconstitutional dahil sa paglabag sa one-year bar rule, at tinanggihan ang mosyon para sa reconsideration ng House of Representatives.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, isang law professor, sinabi nitong mahalagang maunawaan ng publiko ang naging desisyon ng Korte Suprema dahil tungkulin ng hukuman na magpaliwanag at mag-interpret ng batas.

Aniya, maliwanag naman na nakasaad sa ating batas na ang isang impeachment complaint lang ang kailangang talakayin ng Kongreso sa loob ng isang taon laban sa isang impeachable na official.

Ipinaliwanag ni Atty. Arreola, kung paano naipapatupad ang one-year bar rule. Una, aniya, kapag may nagsampa ng impeachment complaint sa isang opisyal at ito ay na-refer sa Committee on Justice (COJ), agad na nagiging epektibo ang one-year bar.

--Ads--

Pangalawa, kung ang complaint ay hindi nai-calendar sa loob ng 10 session days sa House of Representatives, magiging epektibo rin ang one-year bar.

Pangatlo, kapag nai-calendar na ang complaint ngunit hindi nairefer sa Committee on Justice sa loob ng tatlong session days, magiging epektibo na rin ang one-year bar.

At panghuli, kung natalakay na ang isyu sa Kongreso ngunit nag-adjourn at hindi naresolba o naisampa sa Senado, magkakaroon pa rin ng bisa ang one-year bar rule.

Dagdag pa ni Atty. Areola, ang paglilinaw ng Korte Suprema ay nagbibigay ng malinaw na pamantayan para sa mga susunod na impeachment complaints at makakatulong upang maiwasan ang pagkakamali o maling interpretasyon sa proseso ng ibang sangay ng pamahalaan.

Binanggit din niya na mahalagang obserbahan ng publiko kung ang mga aksyon ng mga kinatawan sa Kongreso ay naaayon sa batas at sa kagustuhan ng mamamayan.

Aniya, ang desisyon ng Korte Suprema ay naglalagay ng mahalagang precedent para sa mga impeachment complaints sa hinaharap, partikular sa kung paano dapat ipatupad ang one-year bar rule sa ilalim ng Saligang Batas.