--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station para matukoy ang riding-in-tandem criminal na bumaril at pumatay sa isang empleado ng LBC Express Inc. kaninang alas nuebe ng umaga sa Canciller Avenue, District 1, Cauayan City.

Ang biktima ay si Alvin Opulentia, nasa wastong taong gulang at residente ng Nappacu Grande, Reina Mercedes, Isabela habang hindi pa nakilala ang mga salarin na sakay ng gray na motorsiklo.

Batay sa kuha ng CCTV sa nasabing lugar, binabagtas ng motorsiklo na minamaneho ni Opulentia ang daan sa Canciller Avenue nang paputukan ng mga sakay ng motorsiklo na sumusunod sa kanya.

Nawalan ng kontrol si Opulentia at dumiretso sa isang business establishment ang kanyang motorskilo at natumba.

--Ads--

Sinundan siya ng mga suspek at pinaputukan pa nang maraming beses para tiyakin na siya ay mapatay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Benjamin Adencio, isa sa nakakita sa pangyayari, sinabi niya na may narinig siyang putok ng baril at nang titignan niya sana kung saan ito galing ay nakita niyang patungo sa kanyang gawi ang motorsiklo na minamaneho ng biktima.

Umatras siya subalit natumba ang nasabing motorsiklo kaya nagtago siya sa takot na madamay.

Ang tinig ni Ginoong Benjamin Adencio

Samantala sinabi ni Ginoong Hagibis Quibrantos, namamahala sa sangay ng kompanya sa Cauayan City, sinabi niya na maganda naman ang record ni Opulentia.

Naidedeliver niya lahat ng kanyang mga deliveries gayundin na nasusunod din niya ang lahat ng kanilang mga panuntunan.

Ang tinig ni Ginoong Hagibis Quibrantos

Nagsagawa  ng hot pursuit operation ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station para madakip ang mga salarin.