--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagtaas ng lebel ng tubig sa Magat dam na epekto ng mga pag-ulan sa watershed areas nito sa Cordillera Region at Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS sinabi niya na nasa 350 hanggang 450 cubic meters per second ang inflow ng tubig sa dam.

Patuloy naman ang kanilang paghahanda sa bagyong Bebinca bagamat walang nakikitang epekto nito sa bansa at sakali mang magkaroon ng pagbabago sa track nito at magpapaulan sa bansa ay makakagawa sila ng plano sa maaring pagrelease ng tubig.

Pinayagan na rin nila ang maximum na volume ng tubig na kailangan sa power generation upang maiwasang maabot ang spilling level ng dam at hindi magdulot ng pagkasira nito.

--Ads--

Natitiyak naman aniya nilang sapat ang naipong suplay ng tubig sa irigasyon ng mga sakahan.

Nilinaw naman ni Engr. Dimoloy na hindi lahat ng bayan sa Isabela ay apektado kapag nagpakawala ng tubig ang Magat Dam.

Aniya ang mga bayan lamang na nadadaanan ng ilog Magat ay ang Ramon, San Mateo, Cabatuan, Aurora, Luna, Reina Mercedes at Luna bago ito sasama sa Cagayan River.