CAUAYAN CITY – Nagkaroon ng bahagyang epekto sa Magat Dam ang nararanasang pag-ulan sa Magat Watershed batay sa datos ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez ang Manager ng Engineering and Operations ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System sinabi niya na sa kasalukuyan, ang water elevation ng Magat Dam ay 174.59 meters above sea level na bahagyang tumaas kumpara sa elevation kahapon na 173.61 meters above sea level.
Umaasa ang NIA-MARIIS na magtutuloy-tuloy na ang pagtaas ng antas ng tubig ng dam para mapatubigan na ang mga sakahan na nasa tail end ng kanilang service area.
Kailangan pa ng NIA-MARIIS ang projected water elevation na 180 meters above se level para tuluyang mapatubigan ang naturang mga sakahan partikular ang nasa 12,000 na ektarya sa bahagi ng Baligatan o south high canal at Ozcaris high canal sa katapusan ng Hunyo.
Sa kabuuan ay nasa 71,000 ektarya na ng kanilang service area ang napatubigan ng NIA-MARIIS kung saan aabot na sa 11,000 ektarya ang nakapagtanim.
Samantala, muling nagpaalala ang NIA-MARIIS sa mga magsasaka na hangga’t maaari ay iwasan na ang paglalagay ng harang sa mga irigasyon at control gates para mag divert ng patubig sa kani-kanilang sakahan panawagan din niya sa mga barangay na tumulong sa pagpapatupad ng mga alituntunin ng tanggapan para masunod ang kanilang water delivery schedule para sa mas maayos na daloy ng patubig.