--Ads--

Nagtungo sa Korte Suprema si health reform advocate Dr. Tony Leachon para kwestyunin ang legalidad ng pagtanggal ng subsidy para sa Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth sa 2025 national budget.

Naghain siya ng petition for certiorari and prohibition kaugnay sa pag-aalis ng naturang subsidiya sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).

Binanggit niya ang probisyon sa Republic Act No. 10351, na naglalaan ng 80% ng kita mula sa Sin Tax para sa Universal Health Care, at ang RA 11223, na nag-aatas ng premium subsidy para sa mga hindi-tuwirang kontribusyon ng PhilHealth sa ilalim ng GAA.

Aniya, nang pinirmahan ang Sin Tax Law ay naging paraan ito para mapondohan ang PhilHealth kung saan tinaasan ang tax sa tobacco at alcohol upang ang pondo ay mapupunta PhilHealth.

--Ads--

Matatandaang ipinagkait ng Bicameral Conference Committee ang pondo ng PhilHealth dahil sa tinatayang P600 bilyong reserbang pondo nito mula sa surplus at reserve funds.

Naniniwala naman si Leachon na ang pagtanggal ng subsidiya ay parusang hakbang upang disiplinahin ang PhilHealth sa ilalim ng dating pamunuan ni Emmanuel Ledesma Jr., noong Pebrero 4, 2025 na pinalitan ni Dr. Edwin Mercado Jr., bilang PhilHealth President at CEO.