CAUAYAN CITY- Planong tutukan ng bagong talagang Commissioner ng Commission on Higher Education (CHED) ang levelling ng mga State Universities and Colleges (SUCs).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, CHED Commissioner, sinabi niya na sa kasalukuyan ay SUC levelling instrument lamang ang ginagamit ng CHED upang I-evaluate ang mga SUCs.
Aniya, nais niyang I-classify muna ang mga unibersidad at pamantasan sa kung anong kategorya tulad ng comprehensive o research University habang ang mga maliliit naman na SUCs ay maaaring I-classify bilang Community o Professional Colleges.
Alinsunod sa SUC levelling, mayroong insentibo na maaaring ibigay sa State Universities and Colleges depende sa kanilang level na nagsisilbing pribelehiyo pangunahin na sa mga may mataas na antas.
Gayunpaman, aminado si Dr. Aquino na dahil sa ganitong klase ng levelling instrument ay nahihirapang makasabay ang ilang maliliit na SUCs kaya kinakailangan umanong gumamit ng ibang instrumento at pagbibigay rin ng benepisyo anuman ang kanilang classification upang matulungan silang mag-level up para ma-qualify bilang Comprehensive o Research University.
Bago maisakatuparan ito ay kinakailangan munang gumawa ng bagong guidelines ng CHED na gagamitin sa pag-evaluate sa mga SUCs upang matukoy ang kanilang expertise.
Maliban dito ay nais niya ring pagtibayin ang Research sa mga SUCs dahil malaki ang maitutulong nito sa pagpapaganda sa industriya at ekonomiya ng bansa.
Samantala, ipinagpapasalamat naman ni Dr. Aquino na siya ang napili na maging Commissioner ng Ched lalo na at marami silang nagsumite ng letter of intent.
Malaking bagay aniya ang naging magandang performance ng ISU sa ilalim ng kaniyang liderato upang siya ay maitalaga sa mas mataas na posisyon.
Samantala, target ng Isabela State University na mai-deklara bilang National University for Water Resources Management sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, sinabi niya na mahusay ang ISU pagdating sa water resources management dahil na rin partnership nito sa Kyoto University na naka-base sa Japan.
Naka-pending na aniya ito sa kongreso subalit naaubutan ito ng halalan kaya naman plano nila ngayon ni Deputy Speaker Bojie Dy na muli itong I-file upang ma-recognize ang kahusayan ng ISU sa naturangang larangan partikular sa River Basin Management, Flood Mitigation atbp.







