Uminit ang banggaan sa pagitan nina Batangas First District Rep. Leandro Leviste at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro matapos magsampa ang kongresista ng ₱110 milyong kasong libel kaugnay ng mga pahayag ni Castro tungkol sa kanyang solar business.
Ayon kay Leviste, kinakailangan niyang magsampa ng kaso upang ipagtanggol ang kanyang pangalan at reputasyon laban sa umano’y maling impormasyon na paulit-ulit na inilabas ni Castro sa mga vlog at pampublikong pahayag. Mariin niyang itinanggi na nagbenta siya ng kumpanyang may prangkisa at iginiit na ang kumpanyang kanyang naibenta ay walang prangkisa.
Ipinaliwanag din ng kongresista na wala siyang personal na galit kay Castro, ngunit napilitan siyang kumilos matapos ang sunod-sunod na pahayag laban sa kanya. Aniya, ito rin ang naging rekomendasyon ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio, habang pinag-aaralan pa ang iba pang posibleng legal na hakbang.
Ayon kay Atty. Topacio, hindi layunin ng kaso na ipabilanggo si Castro kundi papanagutin ito sa umano’y mapanirang pahayag na ginawa laban sa kanyang kliyente. Binigyang-diin niya na may malisya ang mga pahayag at isa umano itong sinadyang pag-atake laban kay Leviste, at hindi simpleng paggamit lamang ng kalayaan sa pamamahayag.
Samantala, tumugon si Usec. Castro sa isinampang kaso kahit hindi pa niya natatanggap ang opisyal na kopya ng reklamo. Batay sa kanyang naging pahayag, iginiit niyang ang impormasyong ginamit niya ay mula mismo sa mga naging panayam ni Leviste.
Ayon kay Castro, inamin umano ni Leviste sa isang interview na ang impormasyon tungkol sa umano’y pagbebenta ng kumpanyang may prangkisa ay nagmula kay Ombudsman Remulla. Gayunman, hindi umano ito kinasuhan ng kongresista dahil sa personal na ugnayan at paggalang sa pamilya ng Ombudsman.
Tinuligsa ni Castro ang umano’y double standard ng kongresista, na handang magsampa ng kaso laban sa kanya ngunit hindi sa opisyal na pinanggalingan ng impormasyon. Giit niya, kung may kredibilidad ang pinagmulan ng impormasyon, hindi dapat ituring na libelous ang kanyang mga pahayag na batay rin sa parehong source.
Dagdag pa ni Castro, inamin din umano ni Leviste na hindi na siya ang may-ari ng Solar Para sa Bayan, ang kumpanyang may prangkisa, matapos niyang maibenta ang kanyang shares. Para kay Castro, malinaw na ang impormasyong kanyang binanggit ay mula mismo sa mga naging pahayag ng kongresista.
Para sa undersecretary, ang pagsasampa ng kaso ay maaaring paraan upang patahimikin siya at pigilan sa pagtalakay ng mga isyu. Sa halip, iginiit niyang mas dapat umanong bigyang-pansin ang mga isyung inilabas ng Department of Energy laban sa Solar PH, kabilang ang mga parusa at multang ipinataw dito.











