--Ads--

Nagbabala ang Lokal na Pamahalaan ng Cauayan sa mga kontraktor ng mga kasalukuyang ginagawang flood control project na ayusin ang kanilang trabaho upang hindi ma-blacklist o maideklarang persona non grata.

Matatandaan na isang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang naghain ng resolusyon upang i-blacklist ang kontraktor ng bumagsak na flood control project sa Barangay Alicaocao.

Kaugnay nito, binigyang babala ang lahat ng kontraktor sa lungsod na gawin nang maayos at ayon sa tamang proseso ang kanilang mga proyekto, at iwasan ang anumang uri ng anomalya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi niya na patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa mga proyektong natapos na at sa mga kasalukuyang ginagawa sa lungsod.

--Ads--

Aniya, mayroon pa ring mga flood control projects sa Cauayan na hindi pa natatapos, kaya’t mahigpit itong binabantayan upang maiwasan ang anumang isyu ng katiwalian o kapabayaan.

Dagdag pa niya, kaugnay ito sa isyu ng pagbagsak ng flood control structure sa Barangay Alicaocao, na aniya ay sumasalamin sa kasalukuyang mga usaping pambansa tungkol sa kalidad at integridad ng mga imprastruktura.

Giit ni Delmendo, ang sinumang mapatunayang sangkot sa paggawa ng mga substandard na proyekto sa lungsod ay agad na ibabaliklist at hindi na papayagang makakuha ng anumang kontrata sa hinaharap sa lungsod ng Cauayan.

Samantala, para sa update sa bumagsak na flood control sa Alicaocao, paglilinaw ng LGU na walang ilalabas na pondo ang LGU para sa pagpapaayos ng proyekto dahil ang kontraktor nito ang may pananagutan.