CAUAYAN CITY – Nadismaya si Mayor Christopher ‘Topi’ Mamauag ng Cabagan, Isabela sa pagkakatala ng 16 na kaso ng COVID-19 sa isang barangay sa kabila ng mahigpit na pagpapaalala at pagpapatupad ng mga panuntunan kontra sa virus.
Isinailalim sa isang linggong calibrated lockdown ang tatlong purok ng Catabayungan, Cabagan, Isabea dahil sa mga naitalang kaso ng COVID-19.
Sa inilabas na Executive Order ni Mayor Mamauag ay isinailalim sa calibrated lockdown ang Purok 1, 2B at 3A ng nabanggit na barangay.
Sa inilabas na impormasyon ng lokal na pamahalaan, 16 sa mga closed contacts ng mga nakilamay sa isang burol noong ika-23 ng Enero hanggang ika-4 ng Pebrero 2021 sa Purok 1 ng nabanggit na barangay ay nagpositibo sa COVID-19.
Dahil dito, pinuntahan nina Mayor Mamauag, Vice Mayor Lovier Masigan at ang mga miyembo ng Cabagan CoViD-19 Task Force kasama ang PNP at BFP ang mga eskinita ng naturang mga purok ng Barangay Catabayungan para manawagan sa mga residente na makipag-ugnayan sa LGU Cabagan kung sila ay nagpunta sa burol o may kakilalang nagpunta rito na hindi pa sumailalim sa swab test.
Dsmayado si Mayor Mamauag dahil sa kabila ng paghihigpit at paulit-ulit na abiso at pagpapaalala ng mga kinauukulan ay hindi pa rin sumusunod ang mga residente.
Mariing pinaalalahanan di ni Mayor Mamauag ang mga opisyal ng barangay na hindi makakatulong ang popularidad sa pagsugpo ng pandemya.
Determinado ang punong bayan na kontrolin ang paglaganap ng CoViD-19 kaya siya na mismo ang nanguna sa panawagang isinagawa sa Barangay Catabayungan.
Kaugnay nito ay ikinokonsidera rin ang pagsasagawa ng random mass testing sa barangay na makakatulong para makontrol ang pagkalat ng virus.
Patuloy na nanawagan sa mga Cabagueños ang mga otoridad na makipag-ugnayan sa LGU Cabagan kung may mapuna silang hindi nararapat sa pagpapatupad ng mga health protocols at huwag magdalawang-isip na i-report sa COVID-19 Task Force.












