CAUAYAN CITY – Inaalam na ng Pamahalaang Lokal ng Cabatuan, Isabela ang lahat ng impormasyon may kaugnayan sa nasabat na Lorry truck sa Mariveles Bataan na may kargang 40 kilo-liters ng unmarked diesel.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bernardo Garcia sinabi niya na ikinagulat niya ang ulat sa pagkakasabat sa 40 kilo-liters ng diesel mula sa isang Lorry truck na umano’y mula sa Cabatuan, Isabela sa Mariveles Bataan gayung wala namang oil refinery sa naturang bayan.
Upang maberipika ang katotohanan ng lumabas na ulat mula sa Bureau of Custom ay tinawagan niya ang Licensing officer para malaman at matukoy kung sinu-sino ang nagmamay-ari ng oil tanker sa bayan ng Cabatuan.
Sa katunayan aniya maging siya ay naliligalig sa naturang usapin dahil nagdudulot ito ng batik at negatibong imahe sa pamahalaang lokal ng Cabataun.
Sinisikap na ngayon ng Cabatuan Police Station na alamin ang lahat ng detalye may kaugnayan sa nasabat na unmarked diesel ng BOC.
Matatandaang nasabat ng mga ahente ng BOC ang nasa mahigit P12 million halaga ng unmarked diesel sa ikinasang follow-up operation sa Mariveles, Bataan.
Ayon sa BOC ang operasyon sa Seafront Shipyard at Port Terminal Services Corporation sa Lucanin, Mariveles ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng lorry truck na naglalaman ng 40 kiloliters ng diesel.
Ayon sa BOC, ang naturang nasamsam na diesel ay nakatakda sanang ilagay sa mga barkong Meridian Cinco at MV Seaborne Cargo 7 na sumasailalim sa repair services sa nasabing shipyard.
Base din sa mga nakuhang dokumento, napag-alaman na ang nakumpiskang 40 kiloliters ng diesel ay nagmula sa Cabatuan, Isabela.
Nagsagawa rin ng fuel testing sa samples ng diesel para matukoy ang presensya ng fuel marker at natuklasan sa initial at confirmatory test result na walang presensya ng fuel marker.
Bunsod nito, inisyuhan ng Warrant of Seizure and Detention ang mga operator ng lorry truck at trailer na naglalaman ng unmarked diesel dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at DOF-BOC-BIR Joint Circular 001-2021.