
CAUAYAN CITY – Pansamantalang isinailalim sa tatlong araw na lockdown ang buong LGU ng Cabatuan para sa isasagawang disinfection at contact tracing matapos maitala ang siyam na bagong nagpositibo sa virus at lima rito ay galing sa LGU.
Dalawa ang positibong galing sa RHU, dalawa ang galing sa POSU, at isang Sangguniang Bayan Member.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Charlton Tonton Uy, sinabi niya na apatnaput pitong indibidwal na kinabibilangan ng halos lahat ng opisyal ng Bayan at Barangay ang ang sumailalim sa swab test kahapon.
Aniya isasagawa ngayong araw ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo pati na ang pag disinfect sa kanilang mga opisina.
Ang mga kumukuha ng travel pass naman ang susubukan nilang ipagpapatuloy ang transaksyon at pinag iisipan ng LGU Cabatuan na gawing online na lamang ito upang hindi na kailangan ng face to face transaction sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Mayor Uy, inihahanda na nila ang mga forms na kailangan sa pagsasagawa ng online transaction pati na ang paggawa ng account sa social media.
Nalungkot naman si Mayor Uy dahil ngayong araw sana ang payout ng mga TUPAD Beneficiaries pero kailangan munang ipostpone dahil sa pagkakaroon ng positibong kaso ng virus.
Nakadepende naman sa resulta ng kanilang isinagawang swab test kung kailan tatanggalin ang lockdown sa LGU Cabatuan at lahat sila ay nakaself quarantine ngayon habang hinihintay ang resulta.










