Planong ipatawag ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan ang Department of Public Works and Highways kaugnay sa mga naitatalang pagbaha sa mga pangunahing kalsada sa Lungsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Mayor Ceasar Dy Jr., sinabi niya na mayroong mga lugar sa Cauayan na hindi naman dating binabaha ngunit pagkatapos ng road widening projects ay nababaha na ngayon.
Nilinaw naman niya na hindi niya sinisisi ang DPWH bagkus ay hihingan niya lang ng paliwanag ang ahensya para matukoy kung ano ang problema.
Malaking salik din aniya ang hindi tamang pagtatapon ng basura ng ilang mga residente na siyang bumabara sa mga drainage.
Giit nito na na-upgrade naman nila ang mga drainage canal sa lungsod ngunit hindi pa rin maiwasan na bahain ang ilang lugar dahil above normal ang buhos ng ulan.
Tiniyak naman niya na sa susunod na taon ay mayroon ng dagdag pondo ang pamahalaang lokal na nakalaan sa pag-upgrade ng mga drainage canals.
Tinatayang nasa 300 million pesos naman ang ire-request nilang pondo para sa pagsasaayos ng drainage system pangunahin na sa bahagi ng San Fermin at iba pang mga highly affected areas.