--Ads--

CAUAYAN CITY – Plano ng pamahalaang lungsod ng Cauayan na iimplement sa buong kalunsuran ang “No ID No Entry” policy sa mga resto bars at maging ang paghahanap ng ID sa mga bilihan ng alak tulad ng mga tindahan sa mga barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. Sinabi niya na bagamat mayroon nang ordinansa patungkol sa hindi pagpapapasok ng mga menor de edad sa mga resto bar ay plano nilang gawing citywide na ang ordinansa.

Ito ay matapos ang mga reklamo at mga naitalang aksidente na kinasangkutan ng mga nakainom ng alak sa dis-oras ng gabi at mga menor de edad pa ang iba sa mga ito.

Iginiit ni Mayor Dy na hindi excuse ang mga umiinom ng alak na gabi ang kanilang alis sa trabaho dahil kailangan ang pagiging responsible sa pag-inom lalo na kung magmamaneho pa pauwi.

--Ads--

Inamin naman niya na mayroon na silang mga napasarang resto bar na inireklamo ng kanilang mga kapitbahay dahil sa ingay.

Dahil sa pagdami ng mga naaksidenteng lasing sa Cauayan City ay mas hihigpitan pa ng pamahalaang lungsod ang curfew hours maging ang pag-iikot ng PNP sa mga resto bar upang matiyak na maipapatupad ang no id no entry sa mga kabataan.

Hinikayat din niya ang mga nagtitinda ng alak na huwag bentahan ang mga menor de edad at upang matiyak ito ay hingan sila ng ID.

Aniya kapag nalaman na nagbenta sila ng alak sa mga minor ay maari silang matanggalan ng mayor’s permit.

Ayon kay Mayor Dy, hindi lamang ito responsibilidad ng LGU kundi responsibilidad din ng mga mamamamayan pangunahin na ang mga negosyante na nasusunod ang mga alituntunin sa pagkonsumo ng alak sa lungsod ng Cauayan.