Nagpamahagi ngayong araw ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City, katuwang ang City Social Welfare and Development (CSWD), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ilang mga pribadong sponsors, ng kabuuang 1,300 relief packs sa lahat ng residenteng naapektuhan ng Bagyong Uwan pangunahin na sa mga pamilyang nananatili sa mga evacuation areas.
Ayon sa mga opisyal ng Lungsod, naglalaman ang bawat relief packs ng sardinas, corned beef, sausage, at bigas.
Ilan umano sa mga sponsors ang tumulong sa pagbili ng mga relief goods upang masiguro ang maayos na pamamahagi sa mga residente.
Sa ngayon ay bumaba na ang antas ng tubig sa ilang bahagi ng lungsod, subalit may ilan pa ring lugar na nananatiling lubog pa rin sa baha.
May mga mangilan-ngilang residente na rin ang nagsisi-uwian sa kanilang mga bahay matapos bumaba ang antas ng tubig sa kanilang lugar.
Samantala, ayon naman sa mga medical teams na nakatalaga sa F.L. Dy Coliseum na nagsisilbing evacuation center sa Lungsod, wala pang mga evacuees ang naitatalang nagkasakit gaya na lamang ng ubo at sipon na karaniwang naitatala tuwing maulan ang panahon.





