--Ads--

Malugod na ipinagbigay alam sa publiko ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. ng Cauayan City na kabilang ang Cauayan City sa unang makapagpapatayo ng mga silid aralan sa buong bansa.

Sa pahayag ng Alkalde, sinabi niya na magandang balita dahil iilan pa lamang ang mga Syudad na mauunang makapagpatayo ng silid aralan kaya dapat aniyang ayusin na ngayon ng mga school head ang titulo ng lupa bago mapatayuan.

Giit pa ng Alkalde, hindi pwedeng mapatayuan ang mga silid aralan ang mga lupa na hindi na donate sa LGU o walang legal na panghahawakan ang SDO dahil malaking pondo ang ilalaan dito.

Sa pamamagitan aniya ng pagtugon sa classroom backlogs ng mga paaralan sa lungsod ay matitiyak na magiging maganda at mas kalidad ang edukasyon.

--Ads--

Bukod dito ay nilinaw din niya na bukod sa ipatatayong silid aralan ay tututukan din ang mga silid na sinira ng mga nagdaang bagyo, maging ang mga silid aralan na may kalumaan na at may edad nang higit 50 taon.

Kaugnay nito, Pinag-aaralang maigi ng Schools Division Office (SDO) Cauayan City ang mga lugar na patatayuan ng mga silid aralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Elison John B. Ramos, DepEd Engineer, sinabi niya na positibo ang kanilang pananaw sa SDO lalo na at makapagpapaganda ito sa kalidad ng edukasyon.

Hindi naman aniya nilimitahan ang proposals ngunit sa ngayon ay 98 ang silid aralan na nakikitang dapat ipatayo sa 27 na pampublikong paaralan sa lungsod.

Paglilinaw naman niya na ang pondo ay mula sa National Government at ang implementing agency dito ay ang Local Government Unit (LGU) subalit ang role naman ng SDO ay ang i supervise at tiyakin na ang mga imprastraktura ay hindi substandard.

Maliban aniya sa 98 na classroom ay susunod din naman aniyang aayusin o papalitan ang mga silid aralan na mayroon nang 50 years pataas na edad.

Inaasahan naman na posibleng sa ikatlong kwarter ng taong 2026 ay masisimulan na ang konstruksyon ng mga silid aralan at mapapakinabangan na ito makalipas ang 6 na buwan hanggang 1 taon na konstruksyon.