Nagbaba ng memorandum ang pamahalaang lungsod ng Cauayan sa lahat ng mga poultry farms sa Lungsod na agad i-ulat kung mayroong naitalang sunod-sunod na pagkamatay ng kanilang mga alagang manok.
Ito ay matapos mamatay ang nasa mahigit 30,000 na manok sa isang poultry farm sa barangay Santa Luciana dahil sa hinihinalang bird flu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanguniang Panlungsod Member Paulo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi niya na bagama’t inaantay pa sa ngayon ang resulta ng test kung bird flu nga ba ang sanhi ng pagkamatay ng mga manok sa Cauayan City ay minabuti na ng Local Government Unit na magpatupad ng 1km radius.
Ito ay upang maiwasan ang pagkalat ng virus at hindi magkaroon ng outbreak sa Cauayan City.
Dahil dito ay nananawagan ang konsehal sa mga poultry owners na makipagtulungan at huwag ilihim ang mga naitatalang sakit ng manok.
Maliban sa naturang farm ay wala naman nang naiulat na kahalintulad na sakit mula sa iba pang poultry farms sa Lungsod.











