--Ads--

Tiniyak ni Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. na patuloy ang kanilang pagtutok sa usapin sa palengke ng Cauayan City.

Matatandaang pinapa-revoke na ng pamahalaang lungsod ang prangkisa ng LKY/Primark sa pamamahala sa pamilihan dahil sa mga naitalang paglabag sa panuntunan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Dy sinabi niya na hinihintay pa nila ang sagot ng kompanya sa kanilang sulat patungkol sa franchise revocation kaya nanawagan siya sa publiko na hintayin lamang ang magiging resulta nito.

Aniya maraming paglabag na naitala ang kompanya sa pamamahala sa pamilihan lalo na sa usapin sa kalinisan kaya minabuti ng lokal na pamahalaan na I-revoke ang prangkisa nito at ibalik ang pamamahala sa LGU.

--Ads--

Sa kabila naman ng revocation ay mananatili sa Primark ang harap na gusali at ang tanging pamamahalaan ng LGU ay ang bahagi ng wet market.

Ayon kay Mayor Dy, lamang sa papeles ang Primark ngunit may mga sabit na silang nasilip na posibleng tuluyang maging dahilan ng pagrevoke sa franchise ng kompanya.

Isa na rito ang matagal na pagbabayad ng kompanya sa mga buwis nito at ang mga environmental issues sa pamilihan na dapat sana ay natutugunan nila dahil ito ay itinuturing na private market.

Aniya bahagya lamang matagal ang proseso dahil iniipon pa nila ang mga papeles na kakailanganin upang tuluyang maipasakamay sa LGU ang pamamahala.

Kayang-kaya naman umano ng LGU na pamahalaan ang palengke kaya walang dapat ikabahala ang publiko pangunahin na ang mga tenant vendors.