CAUAYAN CITY – Target ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan na linisin ang mga sewages sa lungsod para maiwasan ang pagkakatala ng leptospirosis kasabay ng nararanasang pagbaha.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Mayor Ceasar Dy Jr., sinabi niya na babalikan nila ang Sewage Treatment Plan ng Lungsod bilang tugon sa banta ng leptospirosis.
Layunin nito na maproseso ang mga tubig na napupunta sa mga pananim, ilog at nawasa na maaaring panggalingan ng sakit.
Aniya, mayroon na silang nakausap na mga investors na siyang magsasaayos sa mga sewages at inaasahan na sa susunod na linggo ay maipatawag na ang grupo na siyang gagawa ng naturang proyekto.
Nilinaw naman niya na bago masimulan ang Sewage Treatment ay magsagawa muna ng public hearing para maipaalam sa publiko ang karagdagang bayad sa proyekto dahil sa taripa.