--Ads--

Target ng Pamahalaang bayan ng Luna na mapanatili at mapalawak ang kampanya para sa drug-free workplace partikular sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jonathan Ramos, Chief of Police ng Luna Police Station, sinabi niya nakatakdang magsagawa ng random drug testing sa mga empleyado ng local government unit ng Luna upang matiyak na nananatiling malinis ang mga kawani ng Gobyerno sa usapin ng ilegal na droga.

Isasagawa ang random  drug testing alinsunod sa mga umiiral na patakaran, at koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya upang masiguro ang patas at maayos na proseso.

Aniya, noong buwan ng Disyembre ay pormal nang idineklara bilang drug-free workplace ang kanilang himpilan at nais nilang maigawad din ng naturang pagkilala sa LGU Luna.

--Ads--

Layunin nito na mapanatili ang integridad ng mga lingkod-bayan, mapataas ang antas ng tiwala ng publiko sa serbisyo ng pamahalaan at mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga sa komunidad.

Umaasa naman ang pamahalaan na sa pamamagitan ng mahigpit na implemestasyon ng programa ay mapapanatili ang isang malinis at ligtas na tanggapan ng pamahalaan.