--Ads--

CAUAYAN CITY – Nabahala ang lokal na pamahalaan ng Calayan, Cagayan sa mga natatagpuang mga iligal na droga sa mga karagatang sakop ng Region 2 sa mga nagdaang araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Jong Llopis ng Calayan Cagayan sinabi niya na matagal nang idineklarang drug free municipality ang kanilang bayan kaya nakakabahala ang pagkakadiskubre ng mga palutang-lutang na shabu sa karagatang malapit sa kanilang bayan.

Nadiskubre ang mga pakete ng shabu sa karagatang sakop ng Batanes, at Cagayan pangunahin sa bayan ng Sanchez Mira, Aparri, Calayan at Abulug kung saan batay sa naging pagsisiyasat ng forensic group, nasa tig-iisang kilo ang nasabing shabu at may mga Chinese Markings na nagkakahalaga ng P31 million.

Upang hindi mapunta sa masasamang loob ay naglabas ng pabuya na nagkakahalaga ng P25,000 ang pamahalaang lokal sa sinumang makakapagsauli ng mga napulot nilang iligal na droga.

--Ads--

Pinaalalahanan naman niya ang mga makakapulot na huwag isiping pagkakaperahan ito dahil siguradong sila ay makukulong kapag nahuli.

Aniya pare-pareho ang markings at timbang ng mga natagpuang pakete ng shabu sa ilang lalawigan sa rehiyon kaya hinala nilang iisa ang pinanggalingan ng mga ito.

Umaasa naman siya na sa mabubuting kamay mapunta ang iba pang shabu na palutang-lutang sa dagat upang hindi na maikalat pa sa mga komunidad at makaapekto sa mga tao pangunahin na sa mga kabataan.