CAUAYAN CITY – Naudlot ang isasagawa sanang road clearing operation sa ilang mga lugar na naapektuhan ng pagguho ng lupa dulot ng bagyong Kristine sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Engineer Norwin Dannug ng San Mariano, Isabela, ilang mga barangay umano ang apektado sa pagguho ng lupa kabilang na rito ang Barangay Tappa na may pinakamalalang sitwasyon ng landslide.
Ang pagkaudlot ng nasabing clearing operation ay bunsod sa nararanasang pag-ulan na posible pang magdulot ng mas malalang landslide kung ipipilit na ayusin.
Napagdesisyonan naman ng Municipal Engineering Office katuwang ang ilang LGU Officials na una nang linisin at tanggalin ang mga debris sa national roads upang mas madaling maihatid ang tulong sa mga residenteng naapektohan ng bagyo.
Habang ang ilang mga residente naman ay bayanihan na lamang umanong tinatanggal ang mga nakahambalang na kanilang nadaraanan tuwing pupunta sa kabukiran.