--Ads--

Maagang nagtungo sa mga itinalagang testing centers ang libo-libong aspiring teachers na kukuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) 2026 sa lungsod ng Cauayan.

Alas-4:30 pa lamang ng madaling araw ay nagsimula nang pumila ang maraming examinee upang matiyak na makakapasok sila sa kanilang mga nakatalagang silid-aralan bago magsimula ang pagsusulit.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ken Harovyn Cortez, isa sa mga examinee, maaga silang dumating upang makaiwas sa anumang aberya bago ang exam.

Bagama’t aminado siyang ramdam ang kaba, sinabi ni Cortez na kumpiyansa naman siyang masasagot niya ang mga katanungan sa pagsusulit dahil sa halos tatlong buwan niyang paghahanda para dito.

--Ads--

Aniya, nagsilbing inspirasyon niya ang kaniyang pamilya upang pagbutihin ang pagkuha ng pagsusulit at maabot ang kanyang pangarap.

Dagdag pa niya, matagal na niyang pangarap na maging isang guro kaya naman handa umano siyang gawin ang lahat upang maipasa ang nasabing exam.

Isinagawa ang pagsusulit sa Cauayan City Stand-Alone Senior High School at Cauayan North Central School, kung saan maagang dumagsa ang mga examinee na umaasang makapasa at makamit ang kanilang lisensya bilang guro.