Libu-libong deboto na lumahok sa Traslacion 2026 ang nangailangan ng medical at welfare assistance at inasistihan ng Department of Health (DOH) at Philippine Red Cross (PRC).
Batay sa ulat ng PRC, mahigit sa 700 deboto ang kanilang napagkalooban ng tulong medikal sa kasagsagan ng prusisyon para sa Itim na Poong Nazareno.
Sa datos ng PRC, mula Enero 8 hanggang hanggang 5:00PM ng Enero 9 ay nakapagtala na sila ng 724 pasyente na binigyang ng paunang lunas dahil sa minor conditions, gaya ng pagkahilo, minor wounds, abrasions, at sprains.
May dumanas din ng major cases, kabilang na ang malalim na laserasyon, pananakit ng ulo at puncture wounds.
Ayon sa DOH, mga sugat ang karaniwang kaso ng mga debotong nangailangan ng tulong, habang mayroon ding mga nahilo at nanghina.
Bagamat maagang sinimulan, naging mabagal ang pag-usad ng Traslacion 2026 dahil sa mga debotong humaharang dito at nagtutulakan sa pagpipilit na makasampa sa Andas.
Nasira rin ang gulong ng Andas ng imahe ng poon at naputol pa ang tali na humihila rito dakong 3:00PM, na nagresulta upang lalo pang bumagal ang usad nito dahil kinailangan pang palitan ang lubid.
Samantala, hindi naman lahat ng deboto ay sumama sa Traslacion at ang iba ay pumila na lamang sa pahalik na ipinagpatuloy sa Quirino Grandstand habang marami pa rin ang dumadalo sa fiesta masses sa Quiapo Church.
Dahil sa dami pa rin ng bilang ng mga debotong pumipila sa pahalik ay nagpasya ang pamunuan ng Quiapo Church palawigin pa ang aktibidad hanggang 10:00AM ng umaga ngayong Sabado, Enero 10.










