Nanatiling isolated ang ilang mga barangay sa naturang bayan dahil sa pagtaas ng antas ng tubig sa Cagayan River na nakaapekto sa ilang tulay at kalsada sa Echague.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Inno Dy, sinabi niya na may mga daan ding hindi madaanan dahil sa mga nakahambalang na punong kahoy na nagsitumbahan dulot ng malakas na hangin.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang assessment sa halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Uwan. Gayunpaman, nakapagtala sila ng ilang partially damaged houses na natanggalan ng bubong at nabagsakan ng mga puno.
Ikinatuwa naman ni Mayor Dy na walang naitalang casualty o nasugatan at nasawi sa pananalasa ng bagyo dahil sa maagap na pre-emptive evacuation ng 3,500 katao mula sa mga high-risk areas, maliban pa sa higit dalawang libong kataong pansamantalang nakisilong sa kanilang mga kaanak.
Siniguro rin ni Mayor Dy na naka-pre-position na ang mga Family Food Packs sa mga evacuation center, pati na rin ang mga kits na ipapamahagi sa mga naapektuhang pamilya na posibleng manatili pa sa evacuation center hanggang Miyerkules.
Hinihingi naman niya ang pang-unawa ng kaniyang nasasakupan sa pangangailangang isagawa ang clearing operations, na unti-unti nilang tutugunan.
Hiniling din niya sa kaniyang nasasakupan na kung makakakita ng mga nakalaylay na kable ng kuryente, huwag itong galawin. Sa halip, agad itong i-report sa Iselco.











