Libu-libong residente na ang inilikas sa Rehiyon Dos dahil sa pagbahang dulot ng Bagyong Kristine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Alvin Ayson ng OCD Region 2 sinabi niya na nasa tatlong libo rito ay mula sa Cagayan, halos dalawang libo rin sa Isabela at 4 na katao sa Nueva Vizcaya.
As of 5am nasa 392 families o kabuuang 1438 indibidwal ang inilikas sa Lungsod ng Ilagan.
Sumampa sa 149 na katao o 45 pamilya ang inilikas mula pitong Barangay sa Cabatauan Isabela kabilang ang Barangay ng San Andres, Canan, Culing Centro, Nam-nama, Magdalena, Culing West at Calaocan.
Aniya naging puspusan ang Preemptive evacuation sa mga low lying areas o mga binabahang lugar partikular sa Calayan, Lal-lo at Solana sa Cagayan, Cabatuan, Jones, Palanan at Divilacan sa Isabela at Dupax Del Norte sa Nueva Vizcaya.
Aniya may mga bayan pang patuloy nilang inaalam kung ilang residente na rin ang lumikas dahil nagpapatuloy din ang mga LGUs sa paglikas ng kanilang mga residente.
Samantala may labing apat na tulay na sa buong Region 2 ang hindi na passable, sampu sa mga ito ay mula sa Isabela kabilang na ang Maluno Bridge, Alicaocao Overflow Bridge, Buyon Overflow Bridge, Villa Conception Overflow Bridge, Annafunan, Gucab Bridge,Baculod overflow bridge, Cansan Bagutari overflow bridge, Cabagan Sta. Maria Overflow Bridge.
Di na rin maaaring madaanan ang Baggao Bridge, Penablanca sa Cagayan maging ang Dippi Overflow bridge at Manglad Bridge sa Probinsya ng Quirino.
Maliban sa mga tulay ay may ilang secondary roads ang hindi rin madaanan sa kasalukuyan kabilang ang Ambaguio road.
Ang Nueva Vizcaya – Benguet road ay one lane passable dahil sa pagguho ng lupa sa Mencita, Tidang Village, Kayapa.
Nagpapatuloy naman ang assessment ng OCD sa posibleng mga pinsalang naitala dahil sa pananalasa ng bagyong Kristine.